Halaw sa sanaysay Ningning at liwanag ni Emilio Jacinto
Sa pamahalaang kolonyal na itinatag ng mga Espanyol sa
Pilipinas, ang gobernador-heneral ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Bilang
pinakamataas na pinuno, siya ay tagapagpaganap ng pamahalaan, tagapagpatupad sa
batas, tagapagdinig ng kaso at tagapagpairal ng katarungan. Ilan pa sa mga
namumuno sa atin noong panahong iyon ay ang mga alcalde mayor, gobernadorcillo
at iba pa. Ang kanilang ningning na umakit sa atin ay ang paniniwala nating
sila ay lubhang makapangyarihan at nararapat igalang sapagkat lubos silang may
kakayahan na pamunuan ang ating bansa.
Subalit bilang pinakamakapangyarihang opisyal sa bansa, may mga pagkakataong
inaabuso ng gobernador-heneral ang kanyang kapangyarihan. May mekanismo ang
hari ng Espanya na maiwasto ito. May tinatawag na visitador na tagapasiyasat ng
katiwaliang ginagawa ng gobernador-heneral. Ipinadadala siya sa Pilipinas upang
tingnan kung maayos ang pamamahala ng mga opisyal ng kolonya. Hindi lamang
gobernador-heneral ang kanyang sinisiyasat kundi maging ang iba pang mababang
opisyal ng gobyerno. Nagpapakita lamang ito na may katiwalaan talagang
nangyayari sa ating bansa noong panahon ng mga mananakop kaya kinakailangang
siyasatin ang mga namumuno sa pamahalaan. Ito ang liwanag na tinutukoy ng
may-akda sa sanaysay.Isa pa sa makapangyarihan noong mga panahon ng Espanyol ay ang mga prayle. Ang
mga prayle ay nag-aral ng katutubong wika upang maipakilala nila ang
Kristiyanismo sa mga Pilipino. Itinuro nila sa mga Pilipino ang mga doktrina at
ritwal ng Kristiyanismo gaya ng pagsisimba, pagdarasal at pagbabasa ng Bibliya.
Ito ang ningning na ating namalas sa kanila.
Subalit sa kabilang banda, hindi nila itinuro ang wikang Espanyol sa
kagustuhang mapanatiling magkaiba ang wika ng mananakop at ng sinakop. Iniwasan
din ng mga prayle ang pagkatuto ng isang wika ng mga Pilipino na maaaring
magbunsod sa pagkakaroon ng pagkakaisa. Lubos silang iginagalang at
kinatatakutan ng mga katutubo. Nagmamay-ari sila ng malawak na lupain na
napasakamay nila sa pamamagitan ng donasyon, abuloy, pagbili nito o sa ilang
kaso ng pangangamkam. Ito ang liwanag na ating masasalamin mula sa sanaysay.
Batay sa mga pangyayaring ito, masasabi na tumpak ang sinabi ni Emilio
Jacinto na ang ningning ay nakasisilaw, nakasisira ng paningin at maraya.
Narito ang mga linya sa sanaysay na tumutukoy sa mga tunay na pangyayari noong
panahon ng mga Espanyol:
“Sa
katunayan ng masamang naugalian: Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na
hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na
tao ang nakalulan. Datapwat marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa
ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay
nagtatago ang isang pusong sukaban.”
“Ito na
nga ang dahilan na kung kaya ang mga loob na inaakay ng kapalaluan at ng
kasakiman ay nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalong lalo na nga ang mga
hari at mga Pinuno na pinagkatiwalaan ng sa ikagiginhawa ng kanilang mga
kampon, at walang ibang nasa kundi ang mamalagi sa kapangyarihan sukdulang
ikainis at ikamatay ng Bayan na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang ito.”
Sa kasalukuyan ay masasaksihan natin ito sa ngayon. Tunay na iba ang pagtingin
natin sa mga taong nakasakay sa magagarang mga sasakyan. Halos humanga tayo sa
mga taong nagmamay-ari nito gayong hindi naman natin tunay na kilala ang
pagkatao nila. Lubhang tumitingin tayo sa panlabas na anyo, katangian o
pagmamay-ari ng isang tao.
Narito naman ang aking paliwanag sa sinabi ng may-akda na “Ay! Sa ating
pag-uga-ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa
liwanag.” at “Tayo’y mapagsampalataya sa
ningning; huwag nating pagtakhan na ang ibig mabuhay sa dugo ng ating mga ugat
ay magbalatkayo ng maningning.” Sapagkat
masyadong nasilaw ang mga Pilipino sa ningning ng mga Espanyol, narito ang
masasamang bunga na masasabi kong masasaksihan pa rin natin mapasahanggang
ngayon:
a. Marami ang nakalimot sa kulturang kinagisnan. Sa
pananaw ng mga Espanyol, hindi sibilisado ang mga Pilipino nang ang mga ito ay
sakupin nila. Samakatuwid,
pinilit nilang burahin ang anumang mayroon ang mga Pilipino at ipalaganap ang
kulturang Espanyol. Mula sa pananamit, gawi, kilos at pag-iisip, ang kulturang
Espanyol ang ginawang pamantayan. Simple lamang noon ang buhay ng mga katutubo.
Simple lamang ang paraan ng kanilang pagkain. Nakakamay lamang sila noon at sa
dahon ng saging lamang kumakain. Subalit nang dumating ang mga banyaga, itinuro
nila sa atin ang kanilang iba’t ibang kultura gaya ng paggamit ng mga plato,
kutsara, tinidor at maging ang iba’t ibang putaheng kanilang kinakain.
b. Mababa ang naging pagtingin ng mga Pilipino sa sarili
nilang kultura. Ang mababang pagtingin na ito ay mababanaag sa mababang pananaw
sa mga katutubong Pilipino na nanatiling tapat sa sariling kinagisnang kultura.
Iminulat ng mga Espanyol sa mga Pilipino na ang Kristiyano at ang yumakap ng
kulturang Espanyol ay sibilisado. Samantala, ayon sa mga Espanyol, ang
nanatiling tapat sa sariling kultura ay patuloy na sumasamba sa mga anito at
diwata at hindi sibilisado.
c. Maiuugat dito ang kaisipang kolonyal na mababakas pa
rin hanggang sa kasalukuyan. Dahil iminulat ng mga Espanyol sa mga Pilipino na
ang kultura nila ay superyor, nabuo sa isipan ng maraming Pilipino na ito ang
pamantayan na dapat pamarisan. Pinahalagahan ng mga Pilipino ang kultura ng
nanakop sa kanila nang higit sa sariling kultura. Ito ang kaisipang kolonyal na
nagpatuloy sa panahon ng mga Amerikano. Hanggang ngayon ay bakas pa rin ang
pananaw na ito sa maraming mga Pilipino.
At sa huling linya ng may-akda, “Ay,
Ang Anak ng Bayan, ang kapatid ko, ay matututo kaya na kumuhang halimbawa at
lakas sa pinagdaaanang mga hirap at binatang mga kaapihan?” tinatawagan naman niya ng pansin ang
kanyang mga kababayan na kumilos at tingnan ang liwanag upang hindi na muling
mangyari ang kaapihang naranasan at magising sila sa katotohanan.
Ang sanaysay ni Emilio Jacinto na Ang Ningning at ang Liwanag ay nagpapakita ng
katotohanang sinapit ng mga Pilipino sa kamay ng mga Espanyol. Ipinakikita nito
na madali tayong naakit sa kanilang layunin at tunay tayong nahumaling na
nararapat igalang ang kanilang kapangyarihan bilang mananakop. Hindi natin
lubusang tiningnan ang kanilang motibo at ang mga katotohanang naganap sa
kanilang pamamahala sa atin. Ang pagkaakit natin sa ningning na ito at
ang pagkabulag natin sa liwanag ay nagdulot ng masamang bunga sa ating mga
Pilipino na masasaksihan pa rin natin hanggang ngayon.